Aksidente lang ang pagkakakilala ko kay Chris. Hindi ko siya matagal na kilala. Maaring nagkakausap kami dati sa Internet pero wala kaming balak na maging magkaibigan. Alam mo `yung nagkataon na lang na magkasabay kayong nagkakasabay mag-online tapos wala kayong ibang makausap kaya kayo na lang ang nagtitiisan sa isa’t isa? Parang ganoon kami noon.
Nagbago ang lahat nang lumipat ako sa Makati.
Kapitbahay ko lang pala si Chris at nang nabanggit ko na lumipat ako sa malapit sa kanila ay nagpasya kaming magkita. Nakilala ko rin ang mga kaopisina niyang kasambahay rin na si Alron at Erjohn. Mukha silang isang masayang barkada, natutuwa ako.
Akala ko noong una, parang isang kakilala lang ang magiging turingan namin, iyong tipong nagkakausap ‘pag nagkakausap lang, ‘yung nagkakakita dahil nagkakakita lang, pero hindi ganoon ang nangyari.
Hindi kasi ako palakaibigang tao, marahil ay dahil madali akong mainip ‘pag kasama ng iba, pero hindi ganoon ang naramdaman ko sa kay Chris at sa mga kaibigan niya. Alam mo iyong pakiramdam na ayos lang ako kahit ako ako? Iyong gumising ako nang puno ng muta pero ayos lang rin?
Mahirap na yugto ng buhay ang pinagdaraanan ko ngayon, kung saan hindi ko na kayang banggitin pa ang mga detalye, pero napakalaking pasasalamat ko sa kung sino man, na may kaibigan akong tulad ni Chris, na mas minamahal ko pa kaysa sa aking mga kapatid.
Salamat. Salamat.