Bakit nga ba naging Joey ang palayaw ko, samantalang ang totoo ko naman pangalan ay Rey Joseph Nieto?
Bago iyan, natanong ko nga pala ang nanay ko kung saan niya nakuha ang pangalan ko. Noon kasing nabasa ko `yung “Guide to Baby Names” ang kahulugan raw ng Rey ay Hari at ang Joseph ay pagdaragdag, kaya Rey Joseph, parang Hari ng Pagdaragdag?
Pero isang malaking pagkakamali lang pala ang lahat dahil ayon sa aking dakilang ina, nakita raw niya ang pangalng Roy Joseph sa isang tseke na pinoproseso niya sa dati niyang opisina,nagandahan sa tunog, at dahil Reynaldo ang pangalan ng aking tatay, ay ginawa niyang Rey Joseph ang pangalan ko. Shet. Henyo.
Medyo swak na rin siguro ang pangalan ko dahil BS Math ako sa UP nang naglaon.
Noong maliit pa ako, binigyan ako ng aking ina ng palayaw na RJ, dahil uso pa noon ang mga palayaw na nabubuo ng panay titik. Isa pa ay dahil tagahanga siya ni RJ Jacinto, ang ninuno ng lahat ng gitaristang nagtayo ng restawran. Wala na akong pakialam kung buhay pa siya hanggang sa ngayon.
Nang tumuntong ako sa eskwelahan, at dahil sa na rin sa kamangmangan ng mga unggoy ko na kamag-aral, ay sinimulan nila akong tawagin na Nieto. Dumikit ang palayaw na ito hanggang dumating ako sa UP at makalabas. Putang inang mga unggoy na iyan.
Nang mag-umpisa akong magtrabaho, napagdesisyunan kong bumalik sa tunay kong palayaw – RJ at ganun nga ang nagyari.
Nagbago ang lahat ng makilala ko ang trainer ko na si Romina Barrios noong training ko sa JPMorganChase. Ang sabi niya, hindi raw bagay sa akin ang palayaw na RJ, kaya’t pinangalanan niya akong Joey. Ang mga bugok ko naman na ka-team ay sumunod sa kanyang mungkahi. Simula noon, naging Joey na ang pangalan ko.
Shet ang babaw.
Mabuti na rin `yun kaysa naman Josephine. Toinks.